Mga miyembro ng SAF 44, makatatanggap na ng parangal sa lunes

by Radyo La Verdad | January 19, 2016 (Tuesday) | 1641

PNP
Kinumpirma ng pamunuan ng Philippine National Police na mabibigyan na ng parangal ang Special Action Force Commandoes na nagbuwis ng buhay sa Mamasapano incident.

Ayon kay ni PNP Chief PDG Ricardo Marquez, sa lunes Jan. 25,kasabay ng paggunita sa insidente, ibibigay na ang ikalawa sa pinakamataas na award o distinguished conduct medal for heroism o medalya ng kabayanihan sa 42 na SAF commando kabilang ang team leader na si P/Supt. Raymund Train.

Habang hinihintay pa rin ng pnp ang approval ng pangulo para mabigyan ng pinakamataas na parangal o medal of valor ang 2 sa saf 44 na sina sina P/CInsp. Gednat Tabdi at PO2 Romeo Cempron.

Si Tabdi ang team leader ng team 1 main effort 1, 84th Special Action Company o Assault Team sa ikinasang oplan exodus sa Tukanalipao Mamasapano, Maguindanao.

Si Tabdi rin ang pumutol sa daliri ni Marwan matapos na napatay sa kubong tinutuluyan nito.

Habang si PO2 Cempron naman ang nagsilbing lead gunner sa main effort 2, 55th Special Action Company i blocking force.

Siya ang nagbigay seguridad sa arresting team nina Marwan at Basit Usman at sya rin ang tumulong upang makatakas ang kasamahang si PO2 Christoper Lalan.

Sinabi pa ng heneral na iimbitahan sa lunes ang pamilya ng SAF 44 at sasagutin lahat ng pnp ang gastos ng mga ito kasama ang pamasahe.

Dagdag pa ng heneral, matapos ang isang taon mula nang mangyari ang Mamasapano incident, naka recover na rin aniya ang PNP mula sa malagim na insidente.

Tiniyak din ng heneral ang maayos na koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines sa anomang operasyon upang hindi na maulit ang nangyari sa SAF 44.

Kinumpirma rin ng pinuno ng pambansang pulisya na naibigay na lahat ng benipisyo at maging ang mga donasyon mula sa mga private sector para sa pamilya ng SAF 44.

(Lea Ylagan/UNTV News)

Tags: ,