Umabot na sa 7 mining operation sa bansa ang sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources.
Nasa Zambales ang 4, 2 sa Palawan at ang pinakabago ay ang Ore Asia na nasa Doña Remedios Trinidad.
Hindi nakaabot ang mga ito sa standard o panuntunan ng responsible mining.
Ayon sa DENR, kailangang palitan ng mga mining company ang mga punong pinutol at linisin ang ilog at mga lugar na napinsala.
Sa ngayon ay nasa 40 ang mining operations na sumasailalim sa auditing ng DENR.
Iniimbestigahan pa rin ng DENR ang isiniwalat ni Zambales Governor Amor Deloso na umano’y pagbebenta ng lupa mula sa Zambales upang ipanambak ng China sa scarborough shoal.
Ang scarborough shoal ay may layo lamang na 124 nautical miles mula sa Zambales.
Isa ito sa mga lugar na inaangkin ng China bilang bahagi ng kanilang nine-dash-line subalit pasok parin ito sa 200 nautical miles ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon kay Secretary Gina Lopez, mahigpit nilang babantayan ngayon ang aktibidad sa mga ipinahintong mining site kasama ang mga law enforcement agency.
Isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng DENR, DILG, DND at DOTr, upang mahigpit na ipatupad ang mga environmental law sa bansa lalo na sa illegal fishing at illegal logging.
(Rey Pelayo/UNTV Radio)
Tags: Department of Environment and Natural Resources, mining operation