Mga Millenials, mas ambisyoso sa nais pasuking trabaho ayon sa isang survey

by Radyo La Verdad | May 27, 2019 (Monday) | 14724

METRO MANILA, Philippines – Ambisyoso, agresibo at tech-savvy, ganyan inilarawan ng isang British Company survey firm ang mga Filipino millenials.

Sila ang mga kabataang Pilipino na ipinanganak sa pagitan ng taong 1982 hanggang bago ang taong 2000, ang henerasyon na nabuhay sa panahon ng Smartphones at Social Media.

Sa ulat, marami sa mga kabataan ang gustong maging entrepreneur o negosyante o ‘di kayay makakuha ng isang leadership position sa isang kumpanya o sa madaling salita ay gustong maging “boss.” Pinatunayan ito ng Survey na nagsasabing nakararami sa mga millenials ang gustong maging “Boss” sa kanilang sariling larangan.

Kaya bukod sa kasabihang “kung may tiyaga may nilaga” mas marami daw millenials ang nabubuhay sa pilosopiya ng “FOMO” at YOLO.” FOMO na ang ibig sabihin ay Fear Out of Missing Out at YOLO na ang ibig sabihin ay You Only Live Once. At dahil tech-savvy na rin ang mga millenials, marami ang nagiging creative at nahuhumaling sa vlogging, pagiging product endorser at social media influencer.

Ayon sa kanila, mas mabilis daw kasi kumita dito basta’t nasa sayo ang skills na kailangan, wala ring boss na susundin dahil hawak mo ang sarili mong oras. Kaya’t hindi katakataka na kahit ngayong 2019, nangunguna ang teknolohiya sa pinaka in-demand na kurso sa kolehiyo at in-demand na trabaho sa Pilipinas para sa mga kabataang Pilipino. Bagamat kailangan parin pero hindi na masyadong in-demand ang pagiging guro, pulis, at sundalo, kahit ang nursing, mas in-demand pa sa ibang bansa kaysa sa Pilipinas.

Ito ang dahilan kung bakit kulang ang Pilipinas sa tinatawag na “Qualified Human Capital.” Ang katunayan ayon sa DepEd, nangangailangan sila ngayong taon ng sampung libong mga guro habang kulang naman ng higit anim na libong mga sundalo ang Philippine Army. Kulang rin ang mga Registered Nurse sa Pilipinas dahil karamihan ng nagtapos ay nangingibang bansa, katunayan mula noong 2012 nasa halos isang daang libong nurse na ang nag trabaho abroad.

Kaya naman ang pamahalaan ay gumawa ng ibat-ibang mga hakbang upang masapatan ang pangangailangan ng bansa. Ayon sa Philippine Chamber of Commerce, marami sa mga kumpanya ang nagaalangan na tumanggap ng mga bagong graduate dahil sa paniniwalang kulang ang mga ito sa kasanayan. Nasa 20% lamang ng pitumpung mga leading company sa bansa ang nais mag-hire ng mga bagong Senior High School graduate.

Sa kabaligtaran, bagamat gusto ng mga millenials na maging mga negosyante at mga leaders, kulang ang mga ito sa kasanayan upang magawa ang gusto nila. Dito papasok ang hamon sa pamahalaan na maturuan pa ang mga kabataan ng mga skills na magagamit upang maabot ang kanilang mga pangarap. Mga skills o kasanayan na magku-qualify sa kanila na makuha ang trabaho na gusto nila kahit bagong graduate pa lamang sa eskwela.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , ,