Hawak-hawak ni Aling Nanette ang larawan ng kaniyang anak na napatay ng riding in tandem. Limang tama ng bala sa katawan ang tinamo ni Aldrin Castillo na siyang tumapos sa buhay nito.
Naniniwala si Nanette na mga pulis ang gumawa nito sa kaniyang anak. Isa lang siya sa mga nagtipon-tipon noong Sabado sa UP Diliman na mga biktima at kaanak ng umanoy extra judicial killings upang ipinawagan ang anila’y kawalan ng hustisya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa mga ito, mala diktaturya ang pamumuno ni Pangulong Duterte sa bansa at walang ipinagkaiba sa pamumuno ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Isa na umano rito ang pahayag ni Pangulong Duterte na mabansagan silang mga terorista dahil sa kalaban sila ng estado. Nanganamba ang mga tulad ni Aling Nanette dahil kasama aniya sila sa itinuturing na terorista dahil sa pagkontra nila sa mga aksyon ng pamahalaan.
Nanindigan ang makakaliwang grupo na hindi sila mga terorista kundi mga taong naghahanap lamang ng tunay na pagbabago.
Nakiusap rin ang mga ito sa pamahalaan na ibalik ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at komunistang grupo.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: extra judicial killings, militanteng grupo, Pangulong Duterte