Mga militanteng grupo nakalapit sa Batasang Pambansa sa kauna-unahang pagkakataon

by Radyo La Verdad | July 26, 2016 (Tuesday) | 2206

MILITANTS
Walang gulo, walang sakitan at naging maayos ang isinagawang rally ng mga militanteng grupo kahapon, at sa kauna-unahang pagkakataon ay pinayagan ang mga ito na makalapit sa Batasang Pambansa.

Maaga pa ay nagmartsa na patungo sa Batasan ang ilang mga militanteng grupo.

At sa halip na kilos protesta ay isang kilos ng pagsuporta sa kasalukuyang administrasyon ang ginawa ng mga makakaliwang grupo.

Bitbit ang mga bandila at placards, dumeretso patungong Batasan ang mga raliyista.

Ilang oras pa ang nakakalipas, sunod-sunod na ang pagdating ng iba pang grupo ng mga raliyista.

Isa sa mga nakaagaw ng pansin ay ang mga katutubong Lumad na bumiyahe pa mula pa sa Mindanao upang magpakita ng suporta sa Pangulo.

Ang kahilingan ng mga Lumad ay mapaalis ang grupo ng mga militar sa kanilang lugar at maisulong ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao.

Umabot sa mahigit siyam na libo ang mga raliyista na nagtungo sa Batasan.

Dito na nila isinagawa ang programa at iba’t ibang aktibidad ng kanilang pro Duterte rally.

Hindi naman maipapangako ng mga militanteng grupo na magiging tuloy-tuloy ang kanilang pag suporta sa administrasyon, anila kung hindi tutupad sa kanyang mga pangako si Pangulong Duterte ay nakahanda silang magmarsta sa kalsada upang magsagawa ng kilos protesta.

(Mon Jocson/UNTV Radio)

Tags: ,