Mga militanteng grupo, nagsagawa ng sariling SONA

by Radyo La Verdad | July 24, 2018 (Tuesday) | 5700

Nagmartsa sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kahapon ang libo libong raliyista na tumutuligsa sa administrasyong Duterte. Binubuo ang pagkilos ng iba’t-ibang mga grupo mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang sektor ng lipunan.

Alas tres ng hapon ng makarating sa rally area ang mga ito at agad na sinimulan ang kanilang programa.

Ayon sa mga raliyista, ito ang itinuturing nila na pinakamalaking kilos-protesta kumpara sa nagdaang mga SONA ng Pangulo ng Pilipinas.

Sa halip na makinig sa talumpati ng Pangulo, sinabayan nila ito ng kanilang People’s SONA. Tampok na panauhin dito si dating chief justice na si Maria Lourdes Sereno na tinuligsa ang isinusulong na charter change at federalismo.

Ayon naman kay dating Bayan Representative Neri Colmenares, hindi magandang senyales ang pagka-delay ng SONA ng Pangulo kahapon.

Matapos ang mga talumpati nito, agad na sinunog ang effigy na pinangalanang Dutertrain na simbolo umano ng mga polisiya ng Duterte administration na nagpapahirap sa mga Pilipino.

Sa pagtaya ng Philippine National Police (PNP), umabot sa halos sampung libo ang mga raliyista na dumalo sa pagkilos na itinuturing nilang generally peaceful.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,