Nagsagawa ng kilos protesta sa harap ng Korte Suprema ang mga militanteng grupo kasama ang ilang mga grupo ng mga guro at mga magulang na tumututol sa K-12 program ng Department of Education.
Sa panayam ng UNTV Radio kay Gabriela Party-list Rep. Luz Ylagan, iginiit niya na hindi handa ang gobyerno sa pagpapatupad ng naturang programa dahil kulang ang mga pasilidad ng mga eskwelahan at mawawalan ng trabaho ang napakaraming mga guro mula sa mga kolehiyo sa oras na maipatupad ang naturang programa.
Ayon naman kay Obeth Montes, isa sa mga magulang na sumama sa rally, graduating na sana ang kaniyang anak ngayong taon ngunit di ito matutuloy dahil ipapatupad na sa susunod na taon ang karagdagang dalawang taon sa K-12 program.
Alas-12 ngayong tanghali inaasahang maghahain ng petisyon sa Supreme Court ang Gabriela, Alliance of Concerned Teachers, Parents’ Movement Against K-12 at iba pang grupo upang ipatigil ang naturang programa.
Ito na ang magiging pang-apat na paghahain ng petisyon sa Korte na may kinalaman sa pagpapatigil ng K-12 program.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)