Mga manggagawang mawawalan ng trabaho sa katapusan ng taon, posibleng umabot sa 4-M – DOLE

by Erika Endraca | June 25, 2020 (Thursday) | 11504

METRO MANILA – Maaaring umabot sa 4-M manggagawang Pilipino ang posibleng mawalan ng trabaho sa katapusan ng taon dahil sa COVID-19 pandemic, ayon yan sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor kahapon (June 24), sinabi ni Secretary Silvestre Bello III na halos 90,000 na manggagawa ang apektado ng pagsasara ng mga kumpanya sa bansa.

Mahigit 2,000 kumpanya ang nagpadala sa DOLE ng formal notices of termination para sa pansamantalang pagsasara habang mahigit 160 ang permanenteng magsasara.

Upang maiwasan ang pagtanggal ng mga manggagawa, ipinapanukala ng DOLE ang pagkakaroon wage subsidy program para sa mga employer kung saan sasagutin ng ahensya ang parte ng sweldo ng mga empleyado.

Ayon sa ahensya, P40-B ang kinakailangang pondo para rito.

“We will talk to the employers, huwag kayong mag-dismiss. We will shoulder 25% to 50% of the salaries of your employees and this will help in protecting and preserving the employment of our workers.” And DOLE Sec. Silvestre Bello III.

Ayon kay Senator Win Gatchalian, isasama nila ang programa sa panukalang Bayanihan 2.

Humihingi rin ng tulong ang DOLE para sa karagdagang pondo para sa Emergency Subsidy Assistance sa mga manggagawa at mga Overseas Filipino Worker dahil sa dami ng mga aplikasyon na kanilang natanggap.

“It is sad to note Mr. Chair that the department was overwhelmed with the applications on the camp as well as the assistance to overseas workers. we ran out of budget. Baka the honorable committtee can help us on this issue.” ani DOLE Sec. Silvestre Bello III.

Samantala, nangangamba naman ang Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) sa pagkaubos ng pondo sakaling magtuloy-tuloy ang kasalukuyang krisis sa COVID-19.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Cacdac, umabot na sa mahigit

P1-B ang kanilang nagastos para sa pagkain, transportasyon at hotel accommodation para sa mga apektadong ofws simula pa noong Marso.

Sila na rin aniya ang sumasagot sa transportasyon para sa pagpapauwi ng mga ito sa kani-kanilang probinsya mula May 15 hanggang ngayon.

Nakatakda ring gumastos ang OWWA ng P2.5-B sa mga susunod na linggo para sa financial assistance package sa mga aktibong miyembro nito.

Sa pagtaya ng OWWA, mahigit kumulang P10-B ang matitira mula sa P18-B na trust fund nito sa katapusan ng taon at halos 1-B na lamang sa katapusan ng 2021.

Dahil dito, humihiling ng P5-B supplemental budget ang OWWA.

Dagdag nito, aabot sa 150,000 OFW’s ang ire-repatriate na OFWs sa mga darating na buwan.

Ayon sa DOLE, nasa 59,000 na ang napauwing OFW’s sa bansa.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,