Mga manggagawa sa Baguio City at La Union nakiisa sa Labor Day protest kahapon

by Radyo La Verdad | May 2, 2018 (Wednesday) | 1602

Nagtipon-tipon rin ang mga manggagawa sa mga lalawigan upang ipaabot ang kanilang hinaing sa iba’t-ibang labor issue sa bansa.

Sa Baguio City, nagmartsa patungong Upper Session Road hanggang sa Igorot Park ang nasa tatlong daang manggagawa.

Iginigiit nila ang paglaban sa umano’y tumitinding neoliberalism sa bansa na isang paraan ng pag-atake sa kabuhayan ng mga Pilipino.

Sa La Union, nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng San Fernando City  Plaza ang nasa isang daang miyembro ng iba’t-ibang grupo mula sa Ilocos Region upang ipahayag ang kanilang hinaing sa pamahalaan kasabay ng paggunita sa Labor Day.

Kabilang ang Alliance of Concern Teachers (ACT) sa Region 1 ang nakiisa sa Labor Day protest na humihiling na itaas ang sahod ng mga guro.

Kakulangan naman ng sakahang lupa ang hinaing ng alyansa ng magbubikid at gawing P750 kada araw ang sahod ng mga manggawang bukid.

Kabilang din sa nakibahagi sa kilos-protest ang Alyansa Dagiti Umili ti Nagulian na nais ipatigil at huwag nang ipagpatuloy ang pagpapatayo ng mini hydro power plant sa bayan ng Naguilian dahil sa peligro nang pagbaha.

Sa kabuoan, naging mapayapa naman ang isinagawang kilos-protesta sa La Union.

 

( Toto Fabros / UNTV Correspondent )