METRO MANILA – Ginugunita ng bansa ngayong araw (May 1), ang 121 selebrasyon ng Labor Day.
Wala man sa Pilipinas ngayong araw, kahapon (April 30) ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Junior ang programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa Labor Day Celebration.
Sa kaniyang mensahe, tiniyak ng pangulo na prayoridad ng kaniyang administrasyon ang kapakanan ng mga manggagawa na tinawag niyang sandigan ng ating ekonomiya.
“Sa araw na ito, ating kinikilala ang kadakilaan at kabayanihan ng manggagawang Pilipino — ang sandigan ng ating ekonomiya. Bilang pangulo, ipinapangako ko na ang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino ay mananatiling pangunahing prayoridad ng aking administrasyon.” ani Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Inilatag din ng pangulo ang ginagawang hakbang ng pamahalaan para solusyonan ang mga problema ng bansa partikular na sa sektor ng paggawa.
“Maingat at unti-unti nating binubuksan at pinapasigla ang ating ekonomiya upang magbalikan at dumami ang mga negosyo at namumuhunan lalo na sa imprastraktura. Pinapalakas din natin ang agrikultura at ang ating pakikipag-ugnayan sa ibang bansa para naman matulungan natin ang ating mga OFW.” ani Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Kaakibat ng selebrasyon ng Labor Day, ay ang pagbubukas ng ‘Kadiwa ng pangulo para sa mga mangagawa’ outlet sa Pasay City at Job Fair.