Mga mananalong SK officials, obligadong dumaan sa mandatory training ng DILG

by Radyo La Verdad | May 15, 2018 (Tuesday) | 2317

Tinatayang halos  tatlong daan  libong kabataan mula sa mahigit apatnapung libong barangay ang maluluklok bilang miyembro ng Sangguniang Kabataan.

Ang Sangguniang Kabataan ay binubuo ng isang chairman at pitong kagawad na may edad 18 hanggang 24 na taon at manunungkulan sa loob ng tatlong taon.

Pero bago sila maupo sa pwesto, kailangan mula silang dumaan sa mandatory training ng Department of the Interior and Local Government (DILG). Isang linggo tatagal ang training at gaganapin sa mga state colleges and universities.

Sa panayam ng programang Get it Straight with Daniel Razon, sinabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya na requirement sa isang SK official ang naturang training upang maupo sa pwesto.

Pagkatapos ng training, bibigyan ng certificate ang mga dumalo dito. May mga tauhan ang DILG sa buong bansa na magmomonitor sa lahat ng nanalong SK official kung natapos nila ang training.

Samantala, ang National Youth Commission (NYC) naman, mahigpit na babantayan ang mga proyektong isasagawa ng SK officials.

Isusulong ng NYC na maging aktibo ang mga kabataang opisyal sa mga programang may kinalaman sa disaster response, anti-drugs at anti-crime campaign.

Bukod dito, magrerekomenda na rin ang NYC sa DILG ng suspension sa mga SK official na mapapatunayang iresponsable at nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin.

Balak din ng komisyon na maiharap ang lahat ng elected youth leaders kay Pangulong Rodrigo Duterte.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,