Mga mananalo sa 2023 BSKE, maaaring mag-assume agad ng kanilang posisyon – Comelec

by Radyo La Verdad | October 26, 2023 (Thursday) | 2196

METRO MANILA – Maaaring maupo na agad sa kanilang puwesto ang mga kandidato na maipoproklamang nanalo sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Batay sa liham na ipinadala ng Commission on Elections (COMELEC) sa Department of the Interior and Local Government (DILG), kapag ang kandidato sa 2023 BSKE ay nakatanggap ng pinakamataas na boto kumpara sa ibang kandidato sa parehong posisyon at Barangay, at sa kalaunan ay maiproklama ay maaaring agad na mag-assume ng kanilang posisyon.

Tugon ito ng Comelec Law Department sa tanong ni DILG Undersecretary for External, Legal, and Legislative Affairs Juan Victor Llamas na humihingi ng guidance ng poll body kung kailan maaaring mag-assume ang mga mahahalal na kandidato sa October 30.

Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang Republic Act 11935 o ang postponement ng barangay elections noong nakaraang taon, ipinaliwanag ng Comelec Law Department na ang termino ng mga nakaupo at incumbent baranggay at sk officials ay nagtapos na noon pang December 31, 2022

Ibig sabihin nasa hold-over-capacity na lamang ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay at sangguniang kabataan.

Tags: ,