Isang buwang pagbabakuna kontra rabies isinasagawa sa Bulacan

by Radyo La Verdad | March 17, 2016 (Thursday) | 1914

LALAINE_RABIES
Sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng Bulacan ang isang buwang anti-rabies mass vaccination, katuwang ang Department of Health at Agriculture.

Tinaguriang rabies awareness month ang Marso dahil sa buwang ito kalimitang tumataas ang kaso ng rabies at animal bites kasabay ng pag-iral ng panahon ng tag-init.

Sa tala ng Provincial Health Office, lima ang namatay dahil sa rabies noong 2015 habang labing-isa naman noong 2014.

Kabilang sa mga binawian ng buhay ang 46-anyos na si Rogelio Cruz matapos makagat ng aso.

Ilan sa mga sintomas ng sakit na rabies ay lagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, hirap sa paglunok, paglalaway, pagkakaroon ng hallucination at partial paralysis.

Tatagal hanggang sa buwan ng Abril ang pagbabakuna sa bawat barangay kaya panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga pet owner na samantalahin ito para na rin sa kaligtasan ng kanilang mga alaga at kapwa-tao.

Bukod sa pagbabakuna ay magsasagawa rin ng veterinary medical mission ang municipal agriculture kung saan maaaring ipakapon at ipa-deworm ng libre ang mga alagang hayop.

(Nestor Torres / UNTV Correspondent)

Tags: , ,