Mga maliliit ng negosyo, higit na maaapektuhan sa panukalang 14th month pay — ECOP

by Erika Endraca | July 4, 2019 (Thursday) | 8568

MANILA, Philippines – Natuwa ang marami sa muling pagbuhay sa panukalang isabatas ang 14th  month pay para sa mga empleyado. Layunin ng  pagsasabatas ng 14th month pay na bigyan ng insentibo na katumbas ng di bababa sa isang buwang sweldo ang mga empleyado sa pribadong sektor anoman ang kanilang designation at employment status.

Nakasaad din sa Senate Bill Number 10 na kailangang matanggap ng mga empleyado ang 13th month pay ng hindi lalampas sa June 14 ng taon habang ang 14th month pay ay kailangang maibigay sa mga empleyado ng hindi lalagpas sa Decemvber 24 ng taon.

Suportado ito ng grupong Associated Labor Unions – Trade Union Congress of the Philippines  ALU-TUCP. Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Alan Tanjusay, napapanahon na aniya ang pagsasabatas ng 14th month pay para sa mga manggagawang pilipino.

“Pababa ng pababa ‘yung kanilang purchasing power ng kanilang sahod. Pero ‘yung ating ekonomiya, ‘yung mga negosyo, at ‘yung kaban ng gobyerno, yumayaman.” Ani Alu-Tucp Spokesperson Alan Tanjusay.

Ngunit pangamba ng Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP), mahihirapan ang maliliit na negosyo sa bansa kapag naisabatas ang naturang panukala.

Ayon sa datos ng ecop,  90% ng mga negosyo sa bansa ay binubuo ng micro enterprises, habang walong porsyento naman ang small enterprises at tanging dalawang porsyento lamang umano ng mga negosyo sa bansa ang medium at large enterprises.

Giit ng grupo, kapag naisabatas ito, ma-aari umanong magpataw ng dagdag-singil ang mga maliliit na negosyo sa kanilang mga produkto o serbisyo. Posible rin umanong may mag-bawas ng empleyado, o di naman kaya’y tuluyan nang magsara.

“So kapag mataas ang increases, ang choice lang naman nung mga ‘yan eh, either itataas nila ‘yung presyo nila, kung kaya mong bilhin ang bagong presyo, at kung hindi naman, nagbabawas ng tao ‘yan. Ganyan ang nangyayari taon-taon kaya palaki nang palaki ‘yung mga underemployed at saka unemployed.” ani Ecop President Sergio Ortiz-Luis Jr.

Sang-ayon naman dito ang Department Of Labor And Employment (DOLE). Bagaman suportado nila ang panukala, ayon sa ahensya, kinakailangan ng masusing pag-aaral bago ito isabatas.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, bukod sa matatamaan ang mga maliliit na negosyo, tingin niya, mahihirapan sa pagsunod dito ang ilang kumpanya dahil mismong ang pagbibigay ng ‘13th  month pay’, ay hindi nila nagagawa.

“Mukhang Hindi Pa Ano, It’s Not Yet Time. From The Assessment Of Our National Wage and productivity board eh baka hindi makayanan. From our experience, sa 13th month pay pa lang eh, ang dami nang hindi nakakapag-comply. Additional month pay may cause disequilibrium. So, kailangan talaga ng masusing pag-aaral.” ani Dole Secretary Silvestre Bello III.

Pero giit ni Tanjusay, kasalanan ng dole kung bakit marami pa ring kumpanya ang hindi sumusunod sa batas. Depensa naman ni Bello, wala pa umano sa isang libo ang kanilang labor law compliance officers kaya hindi lahat ng kumpanya ay agad nilang nai-inspeksyon.

Nangako naman ang ahensya maging ang ALU-TUCP at ECOP na handa silang makipagtulungan sa mga mambabatas para sa pag-aaral ng panukala.

(Harlene Delgado | Untv News)

Tags: , , ,