Mga maliliit na negosyo, maaari nang mag-apply ng soft loan sa DTI sa Nov. 2 – Dec. 7

by Radyo La Verdad | October 29, 2021 (Friday) | 7636

Kalahating bilyong piso ang inilaan ng Small Business Corporation sa ilalim ng Department of Trade and Industry para sa soft loans ng maliliit na kumpanya. Ito ay upang makapagkalooban nila ng 13th month pay ang kanilang mga empleyado. Babayaran nila ito sa loob ng isang taon na walang interes.

Bibigyan din ang mga kumpanya ng tatlong buwang grace period.

Simula November 2 hanggang December 7, maaari nang magsumite ng application online ang maliliit na negosyong naapektuhan ng pandemiya sa pamamagitan ng website ng small business corporation o www.sbcorp.gov.ph.

Anim hanggang pitong libong maliit na kumpanya ang maaaring makinabang sa soft loan program ng pamahalaan.

Partikular na dito ang nasa database ng department of labor and employment na nag-avail ng flexible work arrangement mula march 2020 hanggang october 15, 2021.

Nakalaan ang loan facility sa mga negosyong may hanggang 20 empleyado pababa.

Nasa labing dalawang libong piso ang standard ang loan amount kada employado.

Kailangan lamang makumpleto ng kumpanya ang online application form.

Kabilang sa requirement ay ang barangay business permit kung mangungutang ng 50 libong piso o mayor’s permit naman kung lagpas 50 thousand pesos.

Dahil sa pandemya, maraming negosyo ang apektado ang kita at makatutulong ang soft loans sa mga employer upang makapagpakaloob naman ng karampatang benepisyo sa mga kawani batay sa isinasaad ng batas.

Rosalie Coz | UNTV News

Tags: ,