Mga malalaking pagbabago sa pagtugon sa COVID-19, iaanunsyo ng Duterte Admin – Malacañang

by Erika Endraca | July 30, 2020 (Thursday) | 2348

METRO MANILA – Inaasahang magsagawa ng pagpupulong si Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter-Agency Task Force kontra Coronavirus Disease (IATF).

Ayon sa Malacañang, higit sa iaanunsyong Quarantine Classifications simula sa buwan ng Agosto, mas dapat abangan ang gagawing malalaking pagbabago sa pagtugon ng pamahalaan kontra Coronavirus Disease.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, asahan ang malalaking pagbabago sa pagresponde ng pamahalaan sa pandemya sa pinaigting na expanded targeted testing, tracing, treatment at isolation.

Ikinalungkot naman ng palasyo ang katuparan ng forecast ng University of the Philippines Experts na bilang ng COVID-19 cases ngayong buwan ng Hulyo.

Batay sa kanilang prediction, aabot ng 85,000 ang kaso ng coronavirus sa bansa na may 2,000 mortalities sa pagtatapos ng buwan.

Iginiit naman ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na dapat laging i-aim ng bansa na wag maabot ang forecast ng up experts.

Samantala, maaari nang magkaroon ng limited operations o 30% operation capacity ang iba pang establisyemto sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) simula August 1 batay sa Inter-Agency Task Resolution Number 59.

Kabilang dito ang testing at tutorial centers, review centers, gyms, fitness centers at sports facilities, internet cafes, personal grooming establishments at aesthetic services, pet grooming at drive-in cinemas.

Nilinaw naman ng Department of Trade and Industry (DTI) na di kabilang dito ang mga gym na may contact sports gaya ng karate at boxing.

Sa Modified General Quarantine areas naman, mas marami pang business activities ang pinahintulutan.

Binubuo na ng DTI sa tulong ng Department Of Health (DOH) ang mandatory health protocols para sa bawat business activity.

(Rosalie coz | UNTV News)

Tags: ,