Mga magulang sa Villa Sofia relocation site, nagpasalamat sa pagkakaroon ng Temporary Learning Space sa kanilang lugar

by Radyo La Verdad | May 29, 2018 (Tuesday) | 3925

Naging malaking suliranin sa mga magulang ng mga mag-aaral sa Villa Sofia, Brgy. Tagpuro, Tacloban ang kawalan ng paaralan malapit sa kanila ayon kay aling Lorna Abejar.

Last school year umano, gumugugol sila ng mahigit isang daang piso araw-araw sa pamasahe at baon palang ng tatlo niyang anak.

Aniya, malaking halaga para sa kanila ang isang daang piso dahil hindi araw-araw may kita ang kaniyang asawa sa pangingisda.

Labis na nagpapasalamat ang mga magulang dito sa Villa Sofia dahil sa itinayong Temporary Learning Space (TLS) dito dahil kahit umano hindi kongkreto at yari lamang sa kahoy ito, nasisiguro nilang ligtas ang kanilang mga anak.

Ayon kay Edever Zanoria, OIC principal ng Villa Sofia Elementary School, sa isinagawa nilang survey sa relocation site, dumami ang drop out sa mga school age children dito.

Dagdag pa niya, sa 152 school age children na bilang noong nagsurvey sila, 143 lamang umano ang nagpa-enroll noong nakaraang linggo, subalit karamihan umano sa nagpa-enroll ay wala sa survey list nila kung kaya’t umaasa sila na aabot ng 160-170 ang magiging population ng Villa Sofia.

Sa ngayon ay nasa walong rooms ang TLS dito. Nananawagan naman sila sa mga private organizations na sasali sa Brigada Eskwela na makatulong sa pagkukumpuni ng mga silid-aralan.

 

(Archly Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,