Mga magulang ni Carl Arnaiz, hiniling sa DOJ na resolbahin na ang mga reklamo

by Radyo La Verdad | October 24, 2017 (Tuesday) | 5639

Kinontra ng mga magulang ni Carl Angelo Arnaiz ang paratang ng dalawang pulis-Caloocan na napatay ang binatilyo sa isang lehitimong operasyon noong Agosto.

Binigyang-diin nila na mismong ang taxi driver na si Tomas Bagcal na ang nagsasabing hindi nanlaban ang kanilang anak at scripted lamang ang operasyon ng mga pulis.

Pinasisinungalingan din anila ito ng salaysay ng testigong si Joe Daniel na nakakita mismo na binaril si Carl habang nakaposas at nakaluhod.

Lumabas din anila sa forensic examination na pinahirapan muna ang biktima bago ito pinatay ng walang laban.

Iginiit naman ni Bagcal na tinakot siya nina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Aquilita at binantaang papatayin pati ang kanyang pamilya kapag hindi sinunod ang script ng mga pulis. Ngunit nanindigan ito na hinoldap siya nina Carl at Reynaldo de Guzman alyas Kulot.

Nahaharap si Bagcal at ang dalawang pulis sa mga reklamong murder, torture at pagtatanim ng ebidensiya. Pakiusap ng mga magulang ni Arnaiz, huwag nang patagalin ang pagresolba sa mga reklamo.

Samantala, mariing itinanggi ng labindalawang pulis-Caloocan na sangkot sila sa pagpatay kay Kian delos Santos. Apat sa kanila, bagamat kasama sa operasyon ay wala sa crime scene nang mapatay ang binatilyo.

Hindi naman kasama sa operasyon ang walo at nadamay lamang dahil dati silang nakatalaga sa PCP 7 ng Caloocan police.

Itutuloy ang preliminary investigation ngayong Miyerkules.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

 

Tags: , ,