Mga magsasaka ng niyog sa Quezon Province, idinadaing ang patuloy na pagbagsak ng presyo ng kopra

by Radyo La Verdad | June 18, 2018 (Monday) | 5156

Problemado ngayon si Mang Ermiterio Maglasang, magkokopra sa Quezon Province kung paano patuloy na tutustusan ang kanyang negosyo at paswe-swelduhin ang kanyang mga tauhan. Ito ay dahil sa pagbagsak ng halaga ng bentahan ng kopra o coconut meat sa merkado.

Sa tatlong dekada umano niya sa industriyang ito ay nasanay na siya sa pabago-bagong presyo nito, ngunit ngayong taon ay lubhang malaki aniya ang ibinaba nito.

Noong Enero ay umabot aniya sa kwarenta y sinko kada kilo ng coconut meat ngunit sa ngayon at 20 piso na lamang ito.

Upang masolusyunan ang kakulangan sa kita, naghahanap sila  ng ibang mapagkakakitaan bukod sa pagbebenta ng kopra.

Bukod sa mga magsasaka, apektado rin maging ang mga oil mill sa pagbaba ng presyo ng kopra. Dahil dito ay kakaunti na anila ang nagbebenta sa kanila ng coconut meat.

Nananawagan ang mga ito sa pamahalaan na tulungan silang maibalik ang dating sigla ng industriya dahil kapag nagkataon, libo-libong mga  magsasaka ng niyog anila ang maapektuhan at malulugi dahil sa problemang ito.

 

( Japhet Cablaida / UNTV Correspondent )

Tags: , ,