Mga magsasaka at ilang retailer ng bigas, nanawagan na huwag lagdaan ang Rice Tariffication Bill

by Jeck Deocampo | February 15, 2019 (Friday) | 15380

METRO MANILA, Philippines – Muling nanawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang grupo ng mga magsasaka, tindero ng bigas at maging mga empleyado ng National Food Authority (NFA) na huwag lagdaan ang Rice Tariffication Bill.

Pangamba ng grupo mawawala ang suplay ng murang bigas sa palengke kung maisasabatas ang naturang panukala. Pangamba ng grupo, mawawala ang murang bigas sa merkado na isinusuplay ng NFA kung maisasabatas ang panukala dahil ang magiging mandato na lamang ng kagawaran ay ang mag-imbak ng bigas para sa panahon ng kalamidad.

Mas malaki anila ang posibilidad na manipulahin ng mga trader ang presyo at suplay ng bigas dahil mawawala na rin ang kontrol ng NFA sa mga papasok na bigas sa bansa.

Ani Orly Manuntag, ang tagapagsalita ng GRECON, “Ibig sabihin din nito sa batas na Tariffication Bill, hindi na sila magi-intervene sa market. So, wala tayong makikitang NFA rice sa lahat ng palengke.”

Hindi rin anila dapat isabay sa panahon ng anihan ang pag-aangkat dahil lubhang maaapektuhan nito ang mga magsasaka.

“Anumang buwan tuloy-tuloy ang pag-import ng bigas. Ito ay masama sa ating ekonomiya lalong-lalo na sa farmers.”

Hindi rin anila sapat ang sampung bilyong pisong ayuda na ilalaan ng pamahalaan para sa mga magsasaka kaugnay sa panukala maging ang pitong bilyong pisong ibibigay sa nfa na pambili ng palay.

“Ito ay 4.2 million lang ng bigas. Ibig sabihin po nito 6-7 days lang ang buffer stock ng NFA.”

Nilinaw naman ni NFA Officer-in-Charge Tomas Escarez na hindi naman nila tinututulan ang kabuoan ng panukalang batas. May ilang mga probisyon lamang aniya na nakikita nilang makakaapekto sa grain industry gaya pag-aalis sa kapangyarihan ng NFA na bumisita sa mga pribadong bodega.

“The very reason why the NFA was created in 1972 was right after martial law. One is to stabilize the price and number two is to put in order the very chaotic grains industry. Nag-aalala kami ngayon kung bigla mong aalisin ‘yan ano kaya mangyayari dito?”

Hindi pa rin naman aniya masasabing tuluyan nang mawawala ang supply ng NFA rice sa merkado at maaaring masolusyunan pa ito sa gagawing implementing rules and regulations.

Sa ngayon aniya ay may 14 na milyong sako ng bigas na nakaimbak ang NFA at tatagal pa hanggang sa Agosto ang suplay nito para sa merkado.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , , , ,