Mga magpopositibo sa Antigen testing, pinaalalahanang mag-isolate agad

by Erika Endraca | September 9, 2021 (Thursday) | 2483

METRO MANILA – Nananatiling ang RT PCR test ang gold standard sa COVID-19 testing sa bansa.

Ngunit ayon sa Department of Health (DOH) mahalaga pa rin na sundin ng publiko ang umiiral na protocols kapag sumasailalim sa antigen testing

Batay sa panuntunan ng kagawaran dapat, kapag nagpositibo sa antigen testing ay kailangang sumailalim na agad sa isolation ang isang indibidwal habang naghihintay na makapagpa-RT PCR test.

Sa pamamagitan nito, mapuputol na agad ang transmission ng sakit at hindi na dadami pa ang makakasalamuha at maihahawa kung talagang positibo ito sa COVID-19

Mahalaga ito lalo na at mas mabilis na maihawa ang Delta variant.

“So whenever there is a positive antigen test and then naging negative sa RT- PCR, we still go by with the first test which is the antigen and we isolate the person so that we can be more certain o kaya ay mas cautious tayo upang wala tayong maihalo ulit sa community na naging positive” ani DOH Spokesperson, Usec Maria Rosario Vergeire.

Ngunit ayon sa kagawaran marami ang mga hindi sumusunod sa naturang panuntunan. Paalala pa ng Doh sa mga close contact ng mga positibo sa COVID-19, tapusin ang 14 days na quarantine period at tiyaking walang na-develop na sintomas.

Kinakailangan din anila ng clearance ng doktor o healthcare worker bago payagang makalabas at matapos ang quarantine.

Samantala, nagbabala rin ang DOH sa mga nagsasamantala sa nararanasang pandemya. Anila mayroong umiiral na price cap sa antigen testing.

Alinsunod sa DOH Dept. Circular no 2021- 0323, ang antigen testing ay dapat nagkakahalaga lamang ng P960. Kasama na rito ang presyo ng testing kit, operational cost ng mga licensed laboratories.

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: ,