Mga lungsod na nakiisa sa earth hour city challenge, pinarangalan ng World Wide Fund for Nature

by Radyo La Verdad | August 19, 2016 (Friday) | 12038

WWF
Binigyang parangal kahapon ang mga lungsod sa Pilipinas na nakiisa sa earth hour city challenge na isinagawa ng World Wide Fund for Nature o WWF mula 2015 hanggang 2016.

Layon ng challenge na mabigyan ng pagkilala at masuportahan ang mga city government na naglulungsad ng mga proyektong lumalaban sa climate change.

Sa pitong lungsod na nakilahok, nanguna ang Sta.Rosa City, Laguna kaya’t itinanghal ito na kauna unahang earth hour National Capital ng Pilipinas.

Kabilang sa mga inisyatibo ng lungsod ang pagpapailaw sa mga lansangan gamit ang enerhiya na nagmumula sa araw o solar power at ang composting facility na gumagamit ng mga bunot at water hyacinth.

Pumangalawa sa Sta. Rosa ang lungsod ng San Carlos sa Negros Occidental na tinaguriang Renewable Energy Hub of Asia dahil San Carlos sun power, solar power, biomass power plant, at bio-ethanol plant na nakakapag-produce ng mahigit 100,000 litrong bio-diesel kada araw at 130 megawatts na kabuuang kuryente.

Nakuha naman ng lungsod ng Makati ang ikatlong pwesto dahil sa mga inisyatibo nito gaya ng pagpapatayo ng isang center kung saan mahihinang at matuturuan ang mga barangay official hinggil sa paglulungsad ng mga eco-friendly project.

Kabilang sa mga lungsod na lumahok sa challenge mula noong August 2015 ang Cagayan de Oro, Naga, Parañaque, at Quezon City.

Hinikayat naman ng WWF Philippines ang iba pang mga lungsod sa bansa na makilahok sa susunod na earth hour city challenge sa 2017.

(Yoshiko Sata/UNTV Radio)

Tags: , , ,