Mga lumang school service, bibigyan pa ng dalawang taong palugit ng LTFRB

by Radyo La Verdad | May 30, 2018 (Wednesday) | 5815

Nakahandang magbayad ng medyo mahal si Aling Medy para sa school service ng kanyang anak na nag-aaral sa isang malaking eskwelahan sa Quezon City.

Noong nakaraang taon, 2,500 piso lang ang bayad niya kada buwan, pero ngayon ay umabot na ito sa 3,000 piso. Brand new ang sasakyan kaya tumaas ang bayad. Ayaw itong bitawan ni Aling Medy dahil matagal na nilang kakilala ang operator nito.

Ayon naman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), mahigpit nilang ipatutupad ang tamang standard sa mga school service.

Ipagbabawal na ng ahensya ang mga school service na mahigit labing limang taon na ang edad.

Subalit bibigyan pa nila ng dalawang taong palugit ang mga lumang school service sa kondisyon na papasa ang mga ito sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) ng Land Transportation Office (LTO).

Sa mga naghahanap pa lamang ng school service, ilan sa mga dapat tignan at hanapin dapat ay may prangkisa ang mga school service mula sa LTFRB at accreditation mula sa eskwelahan.

May wastong markings, may CCTV, medical kit, may pinturang dilaw na may zebra stripes, may grills ang bintana, front facing ang upuan at mayroong seatbelt, may pangalan at contact number ng operator na makikita sa labas ng sasakyan.

Nilinaw ng LTFRB na deregulated ang bayad sa mga school service, subalit nananatiling bukas ang tanggapan sa mga sumbong ng sinomang magrereklamo.

Mahigit labing limang taon na ang school service ni Mang Celso, ikinatuwa niya ng pagbigyan ng LTFRB ang kanyang kahilingan na makapag-operate pa sa susunod na dalawang taon.

Matapos ang dalawang taong palugit, dapat ay mapalitan na ni Mang Celso ng bagong sasakyan ang kanyang lumang school service.

Pumasa sa MVIS ang school service ni Mang Celso, ibig sabihin ligtas pang gamitin ang kanyang sasakyan kahit lagpas na ito sa labing limang taon

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,