Mga lumang riles ng LRT 1, sinimulan nang palitan ng LRMC

by Radyo La Verdad | August 31, 2016 (Wednesday) | 1722

JERICO_RILES
Nagsimula nang pagdugtungin kagabi ang mga bagong riles ng Light Rail Transit o LRT Line 1 mula sa Baclaran Station sa Pasay hanggang sa Fifth Avenue Station sa Caloocan City.

Ang rail replacement ay bahagi ng systematic upgrade ng Light Rail Manila Corporation o LRMC.

Sakop ng naturang proyekto ang 21 kilometro ng rail tracks sa northbound route at limang kilometro naman sa southbound route.

Tatlong oras kada gabi tatrabahuin ng contractor ang pagpapalit ng riles upang hindi makaapekto sa operasyon ng LRT.

Inaasahang matatapos ang 400 milyon peso rail replacement project sa September 2017.

Ayon kay LRMC Engineering Director Rudy Chansuyco, malaki ang maitutulong ng pagpapalit ng riles upang maging maalwan ang byahe ng mga commuter.

Mula noong itayo noong 1984, hindi pa napapalitan ang mga lumang riles ng LRT 1.

Ang first phase ng rail replacement ay natapos noong December 2015 sa ilalim ng dating operator na Light Rail Transit Authority o LRTA.

Samantala sa oras na matapos ang proyekto, inaasahang iiksi na ang biyahe ng mga pasahero dahil mas pabibilisin ang takbo ng mga tren.

Mula sa 40 kph, plano ng LMRC na paabutin sa 60 kilometer per hour ang takbo ng bawat tren.

Dahil dito, mangangahulugan naman ito ng posibleng pagtaas ng pasahe sa LRT.

(Jerico Albano / UNTV Correspondent)

Tags: ,