Aarangkada na ngayong Enero ang gagawing Public Utility Vehicle Modernization Program ng Department of Transportation.
Ayon kay DOTr Undersecretary for Road Transport Thomas Orbos, nasa 500 mga unit ng modern jeepneys ang nakatakda nilang ilunsad ngayong buwan. Bukod pa dito, sisimulan na rin sa susunod na linggo ng DOTr ang pagpapaigting sa panghuhuli ng mga lumang jeep.
Partikular na dito ang mga unit na hindi makakapasa sa road worthiness test o motor vehicle inspection system. Ang lahat ng mga pampublikong sasakyan na mahuhuli ay posibleng ma-impound sa Land Transportation Office Compound o maari ring direktang isailalim muli sa MVIS.
Samantala, muli namang nilinaw ng DOTr na hindi tataas ang singil sa pasahe sa mga jeep sa kabila ng gagawing modernisasyon. Sakali man anila na magkaroon ng dagdag singil, ito ay dulot ng pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo bunsod ng tax reform law.
Muli namang umapela ang ilang jeepney driver sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na aprubahan na ang petisyon hinggil sa dalawang pisong dagdag pasahe sa mga jeep.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: DOTr, IACT, road worthiness test