Mga lumabag sa city ordinances, hinuli ng Caloocan PNP

by Radyo La Verdad | October 13, 2017 (Friday) | 2242

Pinangaralan muna ni Caloocan PSSupt. Jemar Modequillo ang mga nahuling kalalakihan na nag-iinuman sa kalsada at mga walang pang itaas na damit, pagkatapos nito ay saka sila pinagpush-up.

Ayon kay Modequillo, paraan ito para madisiplina ang mga residente na hindi sumunod sa mga regulasyong ipinatutupad sa lungsod.

Bukod sa mga ito, ni-rescue din ng mga pulis at mga kawani ng barangay ang mga menor de edad na naabutang palisaw-lisaw sa kalsada kahit pa curfew hours o discipline hours na.

Si Aleng Gloria Bitancor Naman, naiyak sa kaba nang malamang kasama ang kanyang dalawang apo sa mga nahuli ng pulis. Wala umano syang ideya sa umiiral na ordinansa dahil galing siya ng Zamboanga at mag-iisang buwan pa lang sa Caloocan.

Humingi naman ng pang-unawa si Modequillo subalit iginiit nito na ginawa lang nila ang alam nilang makabubuti para sa mga menor de edad. Aniya, warning lang ito dahil sa susunod umanong mahuli ang mga menor de edad sa curfew hours ay mga magulang na ang kanilang pananagutin.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,