Nakatutok ngayon ang Bureau Of Animal Industry (BAI) sa mga critical area o mga lugar sa bansa na pinupuntahan ng mga migratory bird.
Ayon kay BAI Director Ronnie Domingo, noong 2019 ay nasa 9,000ang mga samples na kanilang sinuri at lahat ng mga ito ay negatibo sa anumang bird flu.
Sa ngayon ay kumakalat sa Hunan Province sa China ang sakit ng ibon na H5N1 kung saan libo-libong manok na ang naapektuhan at pinatay.
Ayon sa opisyal, naglalabas ng ban o agad na ipinagbabawal ang pagaangkat ng mga poultry product kapag may bird flu outbreak sa isang bansa para maiwasan makarating ito sa Pilipinas.
Bukod aniya sa mga paliparan o pantalan ay ang mga migratory bird lamang ang posibleng makapagdala ng bird flu sa Pilipinas.
Noong 2017 ay nagkaroon ng Avian Influenza o Bird Flu outbreak sa mga poultry sa ilang bayan sa Central Luzon na may subtype na H5N6.
Pinatay ang lahat ng mga manok at iba pang uri ng ibon sa lugar na sakop ng 1 kilometer radius mula sa pinagmulan ng sakit.
Ayon kay Domingo, mula noong kalagitnaan ng taong 2018 ay wala na silang nakikitang bird flu virus sa bansa.
Sa ngayon ay bawal sa Pilipinas ang bakuna laban sa bird flu dahil mabilis magbago ang mga subtype nito ayon kay Domingo.
“Ang bird flu, iba’t-ibang klase yan. Siguro mga 190 subtypes yan bird flu na yan. Kahit makagawa ka ng bakuna sa isang subtype , nag mumutate yan. So yung iimbak nating bakuna useless yun kapag yung lumitaw na subtype ay iba na yung kanyang subtype” ani Bureau of Animal Industry Dir Dr. Ronnie Domingo.
Ilang kaso na rin ang naitala na nahawa ang tao sa mga hayop na may H5N1 subalit wala pang pruweba na nakakahawa ito ng tao sa tao.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: Bird flu