Nananatili sa siyam ang bilang ng mga lugar na kabilang sa election areas of concern o hotspots.
Ayon kay Philippine National Police Chief PDG Ricardo Marquez, kahit ang Jones, Isabela kung saan pinatay ng New People’s Army ang vice mayor ng bayan ay nasa category 2 pa lamang ng election watchlist areas base sa kanilang assessment.
Subalit nagdagdag sila ng tauhan sa lugar at maging sa Baggao, Cagayan.
Makakasama sa election watchlist ang isang lugar kapag may presensya rito ng mga threat group tulad ng mga rebelled at terrorista, laganap ang private armed group at mahigpit ang political rivalry.
Gayunman, sinabi pa ni Chief PNP na kung sakaling may mga lugar na lalala pa ang gulo at karahasan, hindi na ito maikokonsiderang hotspots bagkus ay agad itong isasailalim sa COMELEC control o ikokonsiderang COMELEC controlled area.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang assessment ng PNP sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mabatid kung saan paiigtingin ang seguridad para sa halalan.
Samantala, dalawang linggo bago ang eleksyon ay itatalaga na ang mga pulis sa kani-kanilang assigned polling precinct na babantayan para na rin sa gagawing final testing ng COMELEC sa mga gagamiting Vote Counting Machine sa May 2-6.
(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)
Tags: COMELEC, matinding karahasan