Mga lalabag sa number coding scheme, hindi muna huhulihin hanggang August 17

by Radyo La Verdad | August 15, 2022 (Monday) | 11171

METRO MANILA – Pinalawig ng Metro Manila Council ang number coding scheme sa kalakhang Maynila.

Simula ngayong araw (August 15), bukod sa dati nang oras na 5pm-8pm, iiral na rin ang number coding tuwing alas-7 hanggang alas-10 ng umaga Lunes-Biyernes maliban na kung holiday.

Sa patakarang ito, ipagbabawal sa mga nasabing oras ang mga sasakyan na may plate number na nagtatapos sa 1 at 2 tuwing Lunes, 3 at 4 kapag Martes, 5 at 6 kapag Miyerkules, 7 at 8 kapag Huwebes, at 9 at 0 kapag Biyernes.

Gayunman ayon sa MMDA dry-run pa lamang ang mangyayari ngayong araw hanggang sa Miyerkules kung saan sisitahin lamang ng mga traffic law enforcer ang mga mahuhuling lalabag.

Ayon sa MMDA sa Huwebes August 18 pa nila sisimulan ang pagpapataw ng violation ticket sa mga lalabag sa number coding sa umaga.

Inaasahan ng MMDA na makakatulong ito upang maibsan ang posibleng pagbigat ng trapiko sa oras na magsimula na ang eskwela lalo na sa nobyembre kung saan ibabalik na ang full face-to-face classes.

Magtatalaga ng mahigit 2,300 tauhan ang MMDA kasabay ng pagbubukas ng klase. Tutulong ang mga ito sa pagsasaayos ng trapiko lalo na sa school zones.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,