Hindi kuntento ang mga labor groups sa ginawang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa executive order kontra kontraktwalisasyon.
Ayon sa mga labor group, malinaw na nagpapasikat lamang umano ang pangulo.
Hindi naman pabor ang ilang labor groups na ibalik sa Kongreso ang bola upang pagtibayin ang kautusan kontra kontraktwalisasyon at gawing batas.
Anila, wala pa ngang kasiguruhan kung ang pinirmahan ng pangulo na EO ay ang bersyon ng mga manggagawa. Duda pa rin sila kung para ito sa kapakanan ng mga manggagawa o EO na papabor sa mga businessmen at pribadong sektor.
Samantala, libo libong mga raliyista ang nakiisa sa kilos-protesta kahapon. Sa ilalim ng init ng araw at kahit may pabugso-bugsong ulan, hindi natinag ang programa ng mga militanteng grupo.
Mula sa kahabaan ng España hanggang sa Mendiola, iisa pa rin ang isinisigaw ng mga raliyista, wakasan ang kontraktwalisasyon at itaas ang sahod ng mga manggagawa.
Nagsunog rin ang mga raliyista ng effigy ng pangulo na pinangalanan nilang “Dutertemonyo”.
Ilan pa sa hinaing ng mga labor groups ay ang pagtataas ng sahod sa national minimum wage na 750 piso, at mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Inatake rin ng grupo ang isyu ng Boracay closure na naging dahilan ng kawalan ng trabaho ng mahigit tatlong libong tao, jeepney modernization na ikalulugi ng nasa anim na raang libong mga jeepney driver at martial law sa Mindanao na umabuso anila sa maraming manggawa sa naturang rehiyon
Sa taya ng Philippine National Police (PNP), nasa anim na libo ang nakiisa sa Labor Day protest sa Maynila, habang nasa 150,000 naman ang sumama sa mga kilos-protesta sa buong bansa.
Sa kabuan ayon sa PNP, generally peacefull naman ang maghapon na kilos-protesta sa Mendiola.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )