Mga kumukupkop sa mga testigo sa pagpatay kina Kian at Carl, posibleng maharap sa obstruction of justice – Sec. Aguirre

by Radyo La Verdad | September 12, 2017 (Tuesday) | 2261

Umaapela si Justice Sec. Vitaliano Aguirre sa mga grupong may hawak sa mga testigo sa pagpatay kina Kian Delos Santos at Carl Arnaiz na payagan ang NBI na makunan ng pahayag ang mga ito.

Sa panayam ni kuya Daniel Razon, sinabi ng kalihim na iisa lang naman ang nais ng mga grupo at ng DOJ na lumabas ang katotohanan sa pagkakapatay sa mga binatilyo.

Nasa kustodiya ngayon ng grupong Rise up for life and rights si Tomas Bagcal, ang taxi driver na sinasabing hinoldap ni Arnaiz. Habang hawak naman ni Caloocan Bishop Pablo David ang tatlong mga testigo sa pagpatay kay Delos Santos.

Ayon kay Sec. Aguirre, nakahanda ang DOJ na bigyan ng proteksyon si Bagcal at ang pamilya nito. Sinabi pa ng kalihim na ayaw naman niyang umabot sa puntong makasuhan ng obstruction of justice ang mga grupong may hawak sa mga testigo.

 Ayon pa kay Aguirre, wala namang problema sa kanya kung nais ng simbahan na kupkupin ang mga testigo basta’t wag lamang mahadlangan ang imbestigasyon ng NBI.

 

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,