Mga kumpanya sa Singapore, may pagkakataon pang makapag-hire ng mga dayuhang empleyado

by Radyo La Verdad | March 14, 2018 (Wednesday) | 2653

Kasabay ng paghihigpit ng pamahalaan ng Singapore sa pagtanggap ng foreign workers, sinabi naman ni Minister of Manpower Lim Swee Say na may paraan pa para makapag-hire ng mga dayuhan ang mga kumpanya.

Posible pang makakuha ng dayuhang manggagawa kahit ang sweldo ay mas mababa sa  minimum requirement para sa employment pass.

Tiniyak ni Lim na bukas pa rin ang pintuan ng Singapore para sa mga foreign worker. Gayunman, ang sakop lamang ng pagluluwag ay ang mga kumpanyang sumusunod sa fair consideration framework.

Dagdag pa ng opisyal, dapat ang foreign worker na planong i-hire ng isang kumpanya ay may skills na in demand globally o kaya ay mahirap mahanap sa local manpower.

Dapat rin na ang inaaplayang trabaho ay kinakailangan para sa transformation and growth gaya ng artificial intelligence, cybersecurity at data analytics.

Suhestiyon ng Minster of Manpower (MOM), dapat kumunsulta ang mga kumpanya sa Economic Development Board o National Research Foundation para sa mga tatanggaping manggagawa.

Sa Singapore, kahit tanggap na ang isang empleyado sa kumpanya, kung hindi naman ito papasa sa MOM ay hindi rin pwedeng tanggapin upang magtrabaho.

 

( Annie Mancilla / UNTV Correspondent )

Tags: , ,