Mga kumpanya ng langis, may dagdag-presyo sa mga gasolina, diesel at kerosene ngayong araw

by Radyo La Verdad | August 30, 2022 (Tuesday) | 12180

METRO MANILA – May panibagong big-time price hike ang mga kumpanya ng langis ngayong araw (August 30).

Kaninang 12:01 ng madaling araw, unang nagdagdag ng P1.40 sa presyo ng kada litro ng gasolina ang Caltex. P6.10 naman ang itinaas ng presyo ng Diesel at Kerosene.

Parehong price increase sa gasolina, diesel, at kerosene ang Shell, Petron, Seaoil, at Flying V kaninang alas-6 ng umaga.

Habang ang Unioil, Total Philippines, Phoenix Petroleum, Petrogazz, PTT Philippines, at Jetti Petroleum naman ay may dagdag na P1.40 sa presyo ng kada litro ng gasolina. P6.10 naman ang itinaas sa kada litro ng diesel.

Para naman sa mga hindi pa nakakapagpa-full tank, pwede pa kayong humabol sa Cleanfuel dahil mamayang 8:01 pa ng umaga magpapatupad ng price increase sa kada litro ng gasolina at diesel. P1.40 sa kada litro ng gasolina. P6.10 naman sa kanilang diesel.

Tiniyak naman ng Department of Energy (DOE) na nakabantay sila sa mga pagbabago sa International Oil Market maging sa lokal na presyo ng mga produktong petrolyo.

Samantala, ayon kay Assistant Director Rodela Romero ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), hindi pa masasabi kung ano ang magiging presyuhan ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na Linggo.

“May mga factor na nagiging dahilan para tumaas. May mga factor din naman na looking forward sila para bumaba kasi may abiso din ang S&P Global Platts na yung last quarter ng taon, mag-i-ease daw ang presyo. Pero hindi pa rin magkaroon ng garantiya dahil nandoon pa rin talaga yung threat ng tightness ng supply.” ani DOE-Oil Industry Management Bureau, Assistant Director Rodela Romero.

Tags: ,