Mga kumpanya na nagpapatupad ng ENDO, posibleng ipasara ng DOLE

by Radyo La Verdad | December 1, 2016 (Thursday) | 1437

victor_bello
Nagsagawa ng protesta ang ilang labor groups kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng kaarawan ng bayaning si Andres Bonifacio.

Muling iginiit ng mga nagpoprotesta ang pagpapatigil sa kontraktwalisasyon o ENDO system at ang pagkakaroon ng pantay na minimum wage sa buong bansa.

Ayon kay Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III may isinasagawa na silang pag-aaral upang gawing pantay-pantay ang minimum wage gaya ng binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kampanya.

Ngunit giit ng kalihim, wala sa kapangyarihan ng DOLE o Regional Wage Boards ang
pagpapatupad ng umento sa national minimum wage kundi nasa Kongreso.

Hinggil naman sa usapin ng ENDO, sinabi ni Sec. Bello na magsusumite na ng rekomendasyon sa susunod na linggo ang apat na senior officials ng DOLE matapos ang isinagawang labor summits sa buong bansa.

Subalit binigyang diin ng kalihim na sa ilalim ng batas, hindi lubusang ipinagbabawal ang kontraktwalisasyon dahil mayroong itinuturing na legal form nito gaya ng pagkuha ng seasonal at project-based employees kagaya ng ginagawa sa ship building industry.

Hinikayat naman ni Sec. Bello ang publiko na isumbong sa mga kinauukulan kung nagpapatupad ng illegal contractualization ang kanilang employer upang maimbestigahan at maparusahan.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: ,