Posibleng maibaba pa ang bilang ng mga krimen na maaaring mapatawan sa isinusulong na panukalang ibalik ang parusang kamatayan sa bansa.
Sa ginawang pagpupulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Miyerkules, sinabi ng house leadership na bukas siyang baguhin ang ilang probisyon ng panukalang batas.
Sa kasalukuyang isinusulong na House Bill number 4727, dalawampu’t isang krimen ang sasakupin ng parusang kamatayan.
Ngunit sa substitute bill ay posibleng maibaba ito sa labingtatlo.
Kabilang dito ang drug-related crimes tulad ng importation, maintenance ng drug den, manufacture at pagtatanim ng ebidensya; murder, kidnapping, carnapping at rape.
Mula naman sa parusang kamatayan ay ibinaba sa reclusion perpetua na lamang ang parusa sa possession ng illegal drugs para 10 hanggang 50 gramo at maaaring death penalty na kapag lumagpas na sa sampung gramo ang possession.
Aalisin na rin sa probisyon na ito ang possession ng marijuana.
Samantala, pinabulaanan ni House Justice Committee Chairman Congressman Reynaldo Umali na may conflict of interest ang pagkakatanggal ng kasong plunder sa mga krimeng maaaring patawan ng death penalty.
Sa susunod na linggo ay posibleng ilabas na ang substitute bill para sa isinusulong na panukalang pagbabalik ng parusahang kamatayan.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)
Tags: Mga krimen na isinusulong patawan ng parusang bitay, posibleng ibaba sa 13 mula sa 21