Naglabas na ng unified statement at joint communique ang Association of Southeast Asian Nations o ASEAN kaugnay ng agawan ng teritoryo sa South China Sea sa huling araw ng kanilang taunang miting sa Laos.
Nakasaad sa unified statement ang panawagan ng ASEAN member states napanatilihin ang seguridad at kapayapaan sa South China Sea.
Kung meron mang hindi pinagkakasunduan ay dapat na pag-usapan ito ng mapayapa at na ayon sa batas.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang 10- member bloc sa umano’y lumalalang tensyon sa South China Sea na dulot ng mga land reclamation at iba pang aktibidad doon ng China.
Binigyang diin nito ang pagkakaroon ng freedom of navigation at self restraint at non militarization sa South China Sea.
Gayunpaman sa kabila ng mga nakasaad na ito sa joint statement ay hindi na banggit ang arbitration ruling na pumapabor sa Pilipinas.
Ayon kay DFA Sec. Perfecto Yasay, isinulong niya sa ASEAN meeting na mailagay sa joint communiqué at ASEAN unified statement ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na walang basehan ang pag-angkin ng China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Samantala, sinabi ni US Secretary of State John Kerry na nasisiyahan siya sa inilabas na communiqué ng ASEAN member countries matapos ang Laos meeting.
Narito sa Pilipinas si Kerry at nakipagpulong kay DFA Secretary Yasay.
Muli ring nanagawagan si Kerry sa mga bansang ASEAN na solusyunan ang sigalot sa West Phl Sea sa mapayapang paraan at iwasan na makagawa ng hakbang na maaring magpalala sa tensiyon sa West Philippine Sea.
(Darlene Basingan/UNTV Radio)