Mga kontraktwal na empleyado ng PLDT na sumugod sa Malacañang, bigong makausap si Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | July 13, 2018 (Friday) | 6200

Nagtipon-tipon sa Mendiola Peace Arch kahapon ang nasa sampung libong mga kontraktwal na manggagawa ng Phililppine Long Distance Telepone Company (PLDT) kahapon.

Nais ng grupo na magtungo sa Malacañang upang makausap ang Pangulo upang hilingin na tulungan sila nito upang sundin ng PLDT ang kautusan ng Depatrment of Labor and Employement (DOLE) na gawin silang regular sa trabaho.

Gayunpaman, nabigo sila dahil walang humarap na opisyal ng pamahalaan.

Ika-6 ng Hulyo 2018 pa nang nagpadala ang samahan sa Office of the President ng sulat upang hilingin na makapanayam ang Pangulo, ngunit wala pang tugon kung pagbibigyan ang kanilang kahilingan. Kaya naman kahit walang schedule ay nagbakasali ang mga manggagawa kahapon.

Marami sa kanila, isang dekada nang nagtatrabaho sa PLDT ngunit hindi na-regular at ngayon ay tuluyan nang nawalan ng trabaho dahil tinanggal ng kumpanya.

Una rito ay nakausap na ni Labor Sectretary Silvestro Bello III ang grupo at tiniyak na kikilos ang DOLE upang ipaunawa sa PLDT na hindi sila dapat tanggalin sa trabaho sa pamamagitan ng isang clarificatory order.

Samantala, hinihintay pa rin ng UNTV News Team ang tugon ng PLDT kaugnay sa pahayag ni Sec. Silvestre Bello III na marami sa mga may-ari ng service providers ng PLDT ay mga executive officials rin ng kumpanya kaya tila nade-delay ang regularisasyon ng manggagawa dahil mawawalan ng kita ang mga ito.

Maglalabas din aniya ng pahayag ang PLDT upang linawin ang kanilang naging hakbang sa isyu ng regularisasyon ng mga libo- libong tinanggal na manggagawa sa kumpanya.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,