Nahaharap muli si Tesda Director General Joel Villanueva sa panibagong reklamo kaugnay ng umano’y anomalya sa Priority Development Assistance Fund o PDAF.
Kasama ang pangalan ni Villanueva sa reklamong inihain kaninang umaga ni Attorney Levito Balingod sa Office of the Ombudsman.
Ito na ang pangalawang complaint na inihain laban sa dating kongresista.
Ayon kay Villanueva, una nang sinabi ng NBI na malinaw na pineke ang kanyang pirma sa mga dokumento.
Pinasinungalingan rin ni Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa PDAF Scam.
Ayon sa kongresista, walang basehan ang reklamo laban sa kanya dahil siya umano mismo ang nagpabatid nito sa COA noong 2010 matapos niyang malaman na pineke ang kanyang pirma para magamit ang kanyang PDAF.
Ayon kay Congressman Tupas, nang malaman niya ito ay kaagad niyang ipinatigil ang pagpapalabas ng kanyang PDAF para sa proyekto.
Si Yacap Party-list Rep. Carol Lopez naman ay gumawa na ng aksyon upang malinis ang kanyang pangalan sa COA.
Karapatan rin umano ni Atty. Baligod na magsampa ng reklamo subalit kumpiyansa ang kongresista na maaabswelto siya sa isyu ng PDAF Scam.
Handa namang harapin nina Villanueva, Tupas at Lopez ang reklamong inihain laban sa kanila sa Office of the Ombudsman.
Si Senator Juan Ponce Enrile naman na kalalabas lang sa kulungan matapos makapagpiyansa ay idinawit din sa naturang reklamo.
Gayunman ayon sa senador kumpiyansa siyang hindi ito uusad at handa niyang harapin ang reklamo sa korte. ( Grace Casin/ UNTV News)
Tags: Iloilo Rep. Niel Tupas Jr, Tesda Director General Joel Villanueva