Lalong lumalala ang problema ng quorum sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Upang magkaroon ng quorum kailangan ay dapat mayroong kahit 147 na mga kongresista sa sesyon.
Nitong mga nakaraang linggo magkaroon man ng quorum ay kaagad na umaalis ang mga kongresista sa sesyon kaya hindi tuloy natatalakay ang mahahalagang mga panukalang batas.
Dahil dito, ipinanukala na ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na patawan na ng kaukulang parusa ang mga kongresista na hindi dumadalo sa sesyon.
Ayon sa kongresista base sa konstitusyon pangunahing trabaho ng mga mambabatas ang gumawa ng batas subalit hindi na ito nagagampanan ng ilan sa kanyang mga kasamahan.
Base rin sa saligang batas may kapangyarihan ang kongreso na suspendihin o patalsikin ang isang kongresistang hindi gumaganap sa kanyang tungkulin.
Sang-ayon naman dito si Cibac Party List Rep. Sherwin Tugna.
Subalit ayon kay Parañaque Rep. Gus Tambunting isa sa mga bagong kongresista masyadong mabigat ang parusang expulsion o pagpapaalis bilang kongresista.
Aniya mas makabubuting i – publish nalang ang mga pangalan ng mga kongresistang laging absent upang maobligang dumalo sa session.
Ang hamon naman kay Barzaga, kung nagkakaproblema sa quorum ngayon paano maaaprubahan ang panukalang patawan ng parusa ang mga absentee congressman.
Sagot ni Barzaga taumbayan na ang bahalang mag-desisyon.
Hanggang ngayon nakabinbin pa sa plenaryo ng Kamara ang mahahalagang panukalang batas gaya ng Bangsamoro Basic Law, Freedom of Information Bill at Anti Political Dynasty Bill na kabilang sa mga priority bill ng administrasyon. (Grace Casin / UNTV News)
Tags: Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Cibac Party List Rep. Sherwin Tugna
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com