MANILA, Philippines – Iginiit ni Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na walang Small Town Lottery (STL) ang makapag-uumpisang mag-operate nang muli hangga’t di sinusunod ng mga franchise holder ang mga kondisyong inilatag ng ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Malacañang, makatutulong ang mga naturang kondisyon upang maiwasang ibulsa ng mga STL operator ang mga nakokolektang nilang pera sa operasyon.
“In fact, yung mga conditions will prevent the corruptions kasi you have to sign, at saka may forfeiture. Ang daming conditions eh, mahihirapan na sila. ” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo.
Samantala, nilinaw naman ng palasyo na di nangangahulugang cleared na ang mga STL operator sa akusasyon ng katiwalian matapos na tanggapin ng punong ehekutibo ang rekomendasyon ng pcso na ibalik ang operasyon nito kapalit ang ilang kondisyon. Sa ngayon ay ongoing pa rin ang isinasagawang imbestigasyon laban sa kanila.
“The conditions are very onerous on the part of the STL. And there is parang mahihirapan na silang magkaroon ng excuse not to remit or to swindle the government with respect to their shares to be remitted to the government.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo.
Kabilang sa mga kundisyon ang pagdedeposito ng cash bond na katumbas ng 3-buwang PCSO share ng authorized agent corporations, at oras na pumalya, awtomatikong makakansela ang kanilang license to operate. Samantala, paggawa ng written undertaking na susundin nila ang mga panuntunan at bawal ang magreklamo sa korte hinggil dito.
Otomatikong forfeited ang license to operate kung may nilabag na panuntunan. Inaasahang ngayong araw (August 26) ilalabas ng PCSO ang Implementing Rules And Regulations (IRR) kaugnay nito.
(Rosalie Coz| UNTV News)
Tags: Malacanñang, PCSO, small town lottery