Mga kilos-protesta sa gaganaping inagurasyon ni PBBM, maaari lamang idaos sa mga freedom park – PNP

by Radyo La Verdad | June 29, 2022 (Wednesday) | 47630

METRO MANILA – Hinimok ng Manila Police District (MPD) ang mga raliyista na ipagpaliban ang kanilang mga kilos-protesta sa gaganaping inagurasyon ni President-Elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa darating na ika-30 ng Hunyo sa National Museum of Fine Arts sa Manila.

Ayon kay MPD Spokesperson Major Philipp Ines, hindi nila pahihintulutan ang mga raliyista na makalapit sa pagdarausan ng inagurasyon, ngunit para sa mga magpupumilit ay makakapag-protesta lamang sa freedom parks ng Manila at hindi maaaring lumapit sa venue.

Pinaalalahanan din ni Major Ines ang mga raliyista na mayroong “no permit, no rally” ang Manila na nakapaloob sa Batas Pambansa 880 o mas kilalang Public Assembly Act of 1985.

Ayon kay Bureau of Permits Director Levi Facundo, 2 grupo na ang nakapag-apply ng permit upang makapag-rally sa 2 magkahiwalay na petsa, una sa Hunyo 29 sa Mendiola habang sa Manila Cathedral naman ang isa sa darating na Hunyo 30.

Samantala, nakatakdang magtalaga ang MPD ng mahigit 4,000 pulis na magbabantay sa inagurasyon at nagbabala sa mga raliyista na kapag gagawa sila ng tahasang paglabag sa batas tulad ng pagharang sa daloy ng trapiko at pagsira ng mga government or private equipment ay aarestuhin nila ang mga ito.

(Jasha Gamao | La Verdad Correspondent)

Tags: ,