Mga kawani ng gobyerno, binilinan ng pangulo na huwag maging sanhi ng delay sa vaccine distribution

by Erika Endraca | February 9, 2021 (Tuesday) | 5224

METRO MANILA – Oras na dumating sa bansa ang Covid-19 vaccines, nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapangalagaan at matiyak ang bisa ng mga bakuna at maipamahagi agad ito sa mga prayoridad na mabakunahan.

Kaya naman, nagbilin ito sa lahat ng mga kawani ng gobyerno na kabilang sa pagtanggap, transportasyon at pamamahagi ng bakuna na huwag maging sanhi ng delay sa mga prosesong ito.

“Do not delay and do not hinder or obstruct the smooth flow na nakikita ninyo ngayon, from the time of the arrival to the time of clearance. The PNP should provide the escorts that would ensure the fastest way for the vaccines to arrive in their storage even from transporting it to one facility to the other.” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Nangako naman si Vaccine Czar Carlito Galvez na walang magiging wastage sa unang 117,000 ng Pfizer-Covid-19 vaccines na darating sa bansa.

Umapela rin ang punong ehekutibo sa Communisty Party of the Philippines na pahintulutan ang walang sagabal at ligtas na transportasyon ng mga bakuna sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“The communist party of the Philippines must guarantee that the vaccines in the course of their being transported to areas where no city health officers or medical persons, wag ninyong galawin ang medisina, allow the vaccines to be transported freely and safely” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, nais ng pangulo na gawin ding vaccination sites ang mga police at military camps sa mga liblib na lugar.

Sa mga urban area, ang mga public school building naman ang maaaring gamitin kung kukulangin ng lugar sa pagbabakuna ang mga lokal na pamahalaan.

“Mga local officials, sila mamili sa gymnasium, kung kulang talaga then my order is utilize the public school buildings, wala pa namang klase,” ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Ngayong araw nakatakda ang inter-agency simulation para sa transportasyon ng mga bakuna oras na dumating na ang mga ito sa Pilipinas.

Samantala, nagpasalamat naman ang punong ehekutibo sa kongreso sa suporta nito sa executive branch upang maisagawa ang kinakailangang pagtugon sa Coronavirus crisis.

Naniniwala ang pangulo na sa pagtatapos ng 2021, makikita na aniya ang magandang resulta ng Covid-19 response ng pamahalaan.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,