Mga kasong nakasampa sa Office of the Ombudsman, ibibilin ni outgoing Ombudsman Morales sa papalit sa kanya

by Radyo La Verdad | July 25, 2018 (Wednesday) | 2281

Ayaw pangunahan ng papaalis na Ombudsman na si Conchita Carpio-Morales ang papalit sa kanyang puwesto sa pagtatapos ng kaniyang termino sa ika-26 ng Hulyo 2018.

Si Morales ay appointee ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong Hulyo 2011.

Isa sa malaking kaso na hinawakan ng Ombudsman sa termino ni Morales ay ang plunder case ni dating pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Arroyo.

Ito ay kaugnay sa umano’y maling paggamit ng P366M na pondo ng PCSO noong 2008-2010.

Naniniwala si Morales na malakas ang hawak nilang ebidensya subalit noong Hulyo 2016 ay dinismiss ito ng Korte Suprema.

Gayunpaman “deadma” lang si Morales nang naupo bigla si Arroyo bilang bagong lider ng Kamara pagkatapos ng SONA ni President Rodrigo Duterte. Karapatan umano ng mga miyembro ng Kongreso na mamili ng mamumuno sa kanila.

Pero hindi umano makahahadlang ang pagkakaluklok ni Arroyo sa mataas na pwesto sa pag-usad ng isa pang kaso laban dito.

Wala namang balak tumakbo si Morales sa anomang posisyon sa gobyerno sa pagtatapos ng kanyang termino.

Ang pagpipilian ng Pangulo bilang papalit na Ombudsman ay sina Supreme Court Associate Justice Samuel Martires, Special Prosecutor Edilberto Sandoval at Atty. Felito Ramirez.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,