Naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Sabado sa Recto, Maynila ang sub-commander ng Maute-ISIS terrorist group na si Abdul Nasser Lomondot at ang asawa nitong si Raisalam Lomondot.
Natunton ng mga otoridad ang dalawa matapos makatanggap ng intelligence information kaugnay sa kinaroroonan ng mga ito.
Isa si Lomondot sa mga nakipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan sa Marawi City.
Pero ayon kay PNP chief Police Director General Ronald Dela Rosa, wala umanong balak na maghasik ng gulo sa Metro Manila si Lomondot.
Pero ayon kay Dela Rosa, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na nagrerecruit at nagpapalakas ng pwersa ang mga ito upang gumanti sa mga pulis at sundalo.
Bukod kay Lomondot at kaniyang asawa may iba pang miyembro ng Maute group ang pinaghahanap ng mga otoridad sa Metro Manila.
Tumanggi muna si Dela Rosa na sabihin kung ilan at kung sinu-sino ang mga ito.
Aminado naman ang pinuno ng pambansang pulisya na may kakulangan ang ipinatutupad na seguridad sa Mindanao kaya nakarating ng Metro Manila ang mga miyembro ng Maute.
Nakarating ng Metro Manila si Lomondot at ang maybahay nito sakay lamang ng mga pampublikong sasakyan.
Sinampahan na ng kasong illegal possesion of explosives ang Maute group sub-commander matapos makuhanan ng granada.
Habang ang asawa nito ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms matapos makuhanan ng kalibre 45 na baril.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )
Tags: Maute Group, Maynila, otoridad