Mga karagatan sa Region 8, nasa critical level dahil sa iligal na pangingisda – BFAR

by Radyo La Verdad | September 26, 2018 (Wednesday) | 4218

Bumaba sa 2.5 metric tons per square kilometers ang nahuhuling isda sa ilang karagatan ng Eastern Visayas simula ng manalasa ng Bagyong Yolanda noong 2013.

Ayon kay BFAR Regional Director Juan Albaladejo, dati ito ay nasa sustainable o normal level na 4 to 5 metric tons per square kilometers. Ang pangunahing dahilan ng pagbaba ng nahuhuling isda, ang illegal fishing.

Kaya naman tututukan ng BFAR and PNP Joint Task Force Bantay Kadagatan ang mga itinuturing na illegal fishing hot spot sa rehiyon, ang Samar Seas, Leyte Gulf, San Bernardino Straight, at mga karagatan sa Guiuan, Eastern Samar.

Ayon naman sa BFAR 8, karamihan sa mga nahuhuli nila ay mga nangingisda sa mga fish sanctuary o protected areas. Mga gumagamit din ang mga ito ng lambat na maliliit ang butas na mahigpit na ipinagbabawal.

Sa isinagawa umanong simultaneous anti-illegal fishing operation noong ika-16 ng Setyembre 2018, nasa dalawampu’t isa ang kanilang nahuli sa isang araw lamang.

Ngayon taon lamang ay halos isang milyong piso na ang nakokolekta ng BFAR bilang multa sa mga nahuling nangingisda ng iligal.

Nasa dalawampu’t anim na kaso naman ang na-file sa Regional Trial Court at pitumpu’t anim na kaso na ang na-iforward sa BFAR National Adjudication Committee mula 2017.

Kaya naman, nagpa-alala ang mga otoridad sa mga waray-waray na isumbong sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang malalaman nilang gumagawa ng mga iligal na aktibidad sa karagatan.

 

( Arhyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,