Mga kandidato sa pagka bise presidente, nagmungkahi ng solusyon sa problema sa trapiko at mabagal na internet sa bansa

by Radyo La Verdad | April 11, 2016 (Monday) | 3345

PILIPINAS-VP-DEBATE
Magkakaisa ng pananaw ang mga kandidato sa pagka bise presidente kung paano masosolusyonan ang problema sa trapiko sa Metro Manila.

Ayon sa kanila, kailangang ayusin ang mass transport system, pagandahin ang serbisyo ng mga tren at bawasan ang mga pribadong sasakyan.

Sina Senador Bongbong Marcos at Antonio Trillanes, nagmungkahing ilabas ng Metro Manila ang mga tanggapan ng pamahalaan upang makabawas sa pagsisiksikan.

Sina Senador Gringo Honasan at Congresswoman Leni Robredo, ipinanukalang paunlarin ang mga kanayunan at lumikha ng trabaho sa labas ng Metro Manila upang huwag nang makipagsiksikan ang mga naghahanap ng trabaho mula sa mga lalawigan.

Si Senador Chiz Escudero naman, nais simulan ang pagbabago sa liderato ng DOTC , pinuna nito ang pamumuno ni Secretary Joseph Emilio Aguinaldo Abaya, sinabi rin nitong dapat isulong ang istrikto kampanya laban sa mga kolorum.

Sang-ayon naman ang lahat ng kandidato na panagutin ang mga Telco sa napakabagal na internet sa bansa at palawakin ang kumpetisyon para sa ikagaganda ng serbisyo.

Mas makabubuti rin ayon kay Senador Bongbong Marcos kung papapasukin ang mga international service providers.

Para naman kina Congresswoman Leni Robredo, at Senador Antonio Trillanes at Chiz Escudero, kailangang magpatayo ng istruktura ang gobyerno at dapat higpitan ang regulasyon sa mga Telco.

(UNTV NEWS)

Tags: ,