Mga kandidato sa 2019 midterm elections, nais isalang ng PDEA sa surprise drug test

by Radyo La Verdad | October 16, 2018 (Tuesday) | 4701

MANILA, Philippines – Para magabayan ang publiko sa pagboto sa darating na 2019 midterm elections, nais ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa surprise drug test ang mga kandidato.

Pero ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, hindi rin magiging epektibo kung i-aanunsyo o ipapaalam sa mga kandidato ang gagawing drug test. Maaari aniyang pag-usapan kung saan pwedeng isagawa ang drug test ng mga kandidato tulad ng kanilang ginagawa sa mga tauhan at opisyal ng ahensiya.

Paalala pa ng PDEA chief, huwag iboto ang mga pulitikong sangkot sa kalakalan ng iligal na droga.

Ayon kay Aquino, mula sa 93 ay may 85 politicians pa ang nasa narco-list na binubuo ng mga alkalde, bise alkalde, gobernador, bise gobernador at kongresista.

Babantayan naman ng PDEA, PNP at iba pang law enforcement agency ang mga magtatangkang mamili ng boto sa darating na halalan at hinihikayat ang publiko na isumbong ang mga sangkot dito.

Ani ng opisyal, dalawa lamang ang karaniwang pinaggagalingan ng perang ipinambibili ng boto: ang bentahan ng iligal na droga at ang kurapsiyon sa pamahalaan.

Nakahanda naman ang PDEA na isapubliko ang hawak nilang narco-list sakaling ipag-utos ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,