Mga kandidato bawal mamahagi ng voter’s information sheet – Comelec

by Radyo La Verdad | March 25, 2022 (Friday) | 6154

METRO MANILA – Ayaw ng Commission on Elections (Comelec) na mapupulitika ang kanilang paghahanda sa nalalapit na May 9, 2022 elections.

Kabilang na rito ang pamamahagi ng Voter’s Information Sheet (VIS) sa mga rehistradong botante.

Ang VIS ay isang guide na naglalaman ng mga detalye tulad ng pangalan ng botante, presinto, address, at kung saan ito nakarehistro.

Kaya naman, ayon kay Commissioner George Erwin Garcia, hindi sila papayag na politiko o kandidato ang mamamahagi ng VIS.

Dagdag pa nito, magkakaroon ng sariling mga tauhan ng comelec na maghahatid ng VIS sa mga bahay-bahay.

Tapos na aniya itong ma-imprenta at inaasahang maipamamahagi na sa mga susunod na araw.

Samantala, pakiusap ng komisyon sa mga kandidato at kanilang tagasuporta na sumunod sa ipinatutupad na public health standards ngayong local campaign period.
Pinayuhan din ng poll body ang mga kandidato hinggil sa tamang pagkakabit ng campaign posters.

Bawal ito sa mga pampublikong lugar kundi sa mga common poster area lamang.

At, kapag nasa private residential area ay hindi maaaring baklasin dahil sa inisyung Temporary Restraining Order (TRO) ng Supreme Court.

Tatagal ang local campaign hanggang May 7, 2022 o 2 araw bago ang halalan.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: