Mga kahina-hinalang ‘Online Greetings’, iniimbestigahan ng PNP Anti-Cybercrime Group

by Erika Endraca | December 31, 2019 (Tuesday) | 5997

METRO MANILA – Nagbabala ang grupong Cyber Security Philippines (CERT) laban sa ilang online links na naglalaman ng holiday greetings na ginagamit umano ng mga hacker upang makakuha ng personal na impormasyon.

Ayon sa grupo, modus ito ng mga kawatan kung saan mapupunta sa ibang site ang isang user kapag pinindot nito ang natanggap na pagbati sa social media.

Karamihan sa mga ito, hihingian ng datos ang user bago mabuksan ang mensahe. Ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group, iniimbestigahan na ang mga naturang links. Ayon sa pulisya, uso ito ngayon dahil sinasamantala ng mga kawatan ang holiday season.

“Tini-take advantage ng mga masasamang loob ‘yung pagkakataon na mayroong pera, bonus ‘yung ating mga kababayan. At syempre, ‘yung ating mga salary, pumapasok na automated na.”ani PNP-Anti Cybercrime Group – PIO Head, PCPT. Jeck Robin Gammad.

Paalala ng mga otoridad, huwag basta-bastang magbukas ng mga kahina-hinalang website lalo na kung nanghihingi ito ng personal na impormasyon.

“Iniimbestigahan pa natin dahil hindi tayo sigurado kung ito ba’y makasasama o makabubuti sa atin personally at sa ating mga personal information, huwag na lang muna natin siyang i-click.” ani PNP-Anti Cybercrime Group – PIO Head, PCPT. Jeck Robin Gammad.

Pero kung sakaling nakatanggap nito at nabuksan na, payo ng mga otoridad, agarang palitan ang password ng inyong social media accounts maging ng online banking account.

I-reset din ang inyong web browsers. I-update rin ang inyong anti-virus at anti-malware softwares at palagiang i-scan ang inyong computer at smartphones.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: ,