Mga kadete ng PNPA na sangkot sa sexual harrassment case, posibleng maharap sa reklamong grave misconduct

by Radyo La Verdad | October 24, 2018 (Wednesday) | 9071

Sinimulan na ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang sarili nitong imbestigasyon sa kaso ng pang-aabuso sa dalawang plebo ng tatlong upper class cadet noong ika-6 ng Oktubre.

Ayon kay PNPA Director Police Chief Superintendent Joseph Adnol, nakuhanan na nila ng pahayag ang magkabilang panig. Tumanggi ang PNPA na pangalanan ang mga sangkot sa pang-aabuso maging ang mga biktima habang isinagawa ang imbestigasyon.

Pero ayon kay Adnol, hindi tama ang ibinigay na parusa sa mga plebo. Una nang sinabi ng opisyal na inutusan ng isang 2nd class cadet o 3rd year student ang dalawang 4th class cadet o 1st year students na mag-oral sex sila sa harap niya bilang parusa sa umanoy paglabag na nagawa ng mga ito. Dalawang 3rd class cadet o 2nd year students naman ang nanood sa insidente.

Ayon sa heneral, posibleng maharap sa kasong grave misconduct ang mga suspek. Tinitignan din ng PNPA kung papatawan ng parusa ang mga biktima dahil hindi agad ipinagbigay alam sa mga otoridad ang insidente.

Bukod sa PNPA, magsasagawa rin ng imbestigasyon ang police Regional Office 4A. Una na ring inatasan ni PNP Chief Oscar Albayalde ang Directorate for Investigation ang Detective Management (DIDM) na imbestigahan ang insidente.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,